IBCTV13
www.ibctv13.com

Evidence-based na imbestigasyon ni PBBM sa flood control fiasco, pinuri ni Sen. Escudero

Hecyl Brojan
163
Views

[post_view_count]

Senator Francis “Chiz” Escudero with President Ferdinand R. Marcos Jr. during the State of the Nation Address (SONA). (Photo from Chiz Escudero)

Pinuri ni Senador Francis “Chiz” Escudero si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapatuloy ng “evidence-based” na imbestigasyon kaugnay ng korapsyon sa pondo ng flood control projects sa bansa.

“Binabati ko po ang administrasyon dahil hindi sila sumunod at nagpadala sa anumang script o sarswela para ilihis ang mga tunay na salarin tulad ng sinabi ko nung ako ay huling tumayo at nagsalita dito sa Senado,” ani Escudero.

Giit ng senador, hindi nagpadala ang administrasyon sa anumang pagtatangkang ilihis ang imbestigasyon at protektahan ang mga tunay na may pananagutan.

Samantala, naghain na ang Office of the Ombudsman ng mga kasong korapsyon at malversation sa Sandiganbayan laban kina dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co; dating DPWH Undersecretary Wilfredo Bernardo; dating DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara; dating Assistant Engineer Brice Hernandez; at ilang direktor ng Sunwest Corporation kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects.
Nagsumite na rin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman ng mga dokumento kaugnay sa mga naging pahayag ni dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez ukol sa isyu.

Pinaalalahanan naman ni Escudero ang publiko na dapat ang galit sa korapsyon ay nakabatay sa ebidensya.

“Dapat lang tayong magalit sa korapsyon, pero huwag maging padalos-dalos sa paghusga. Maging mapanuri tayo sa mga nagkakalat ng maling impormasyon para magdulot ng pagkakawatak-watak,” ani Escudero. – DP