Naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation Group (CIDG) ang isa sa mga sangkot sa Pharmally scandal na umusbong noong panahon ng pandemyang coronavirus disease-19 (COVID-19) taong 2020.
Sa ulat ng CIDG, nahuli ang dating Executive Director ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) at budget undersecretary na si Atty. Lloyd Christopher Lao nitong Miyerkules, Setyembre 18 sa Ecoland, Davao.
Inaresto si Lao sa bisa ng warrant na inilabas ng First Division ng Sandiganbayan sa Quezon City noong Setyembre.
Ito ay kaugnay ng kaso niya na graft and corruption dahil sa paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Matatandaan noong panahon ng pandemyang COVID-19, naging kontrobersyal ang umano’y anomalya sa P41 billion halaga ng COVID-19 test kit na kinontrata ng mga sangkot sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Samantala, lumaya agad si Lao matapos magpiyansa ng halagang P90,000.
Itinuturing na pinakamalaking korapsyon sa Pilipinas ang Pharmally scandal na kinasasangkutan ng 12 katao. – AL/VC