Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na posibleng magbalik-bansa ang dating kongresista ng 3rd District ng Negros Oriental na si Arnolfo Teves Jr. ngayong Setyembre, matapos ang anim na buwan simula nang mahuli sa Timor Leste.
“Teves is coming home very soon. At expectation natin within the month,” saad ni Remulla.
Ayon sa kalihim, isang eroplano ng Philippine Air Force ang gagamitin para sa extradition ni Teves.
Si Teves ang itinuturo bilang mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa mula sa pamamaril sa Pamplona, Negros Oriental noong Marso 4, 2023.
Nahaharap ang nasibak na kongresista sa 10 counts ng murder, 12 counts ng frustrated murder, at four counts ng attempted murder sa Manila Regional Trial Court Branch 51.
Matatandaan nitong Marso 2024, naaresto si Teves habang naglalaro ng golf sa Timor Leste.
Hunyo 27 naman nang i-grant ng Court of Appeals ng Timor Leste ang hiling na extradition ng Pilipinas para kay Teves. -VC