Isang Technical Working Group (TWG) ang binuo ng Food and Drug Administration (FDA) na tatawagin bilang ‘Taskforce Thomson’ upang matiyak na ligtas, epektibo, at de-kalidad ang mga tradisyunal na gamot pati na ang mga health supplement na ibebenta sa merkado.
Ang Taskforce Thomson ay may mandatong bumuo ng mga polisiya kaugnay sa paggamit ng mga tradisyunal na gamot at health supplements batay sa umiiral na batas, patakaran, at regulasyon sa bansa.
Inatasan din ang TWG na bumuo ng isang Administrative Order (AP) para sa pagrerehistro ng mga health supplement sa ilalim ng Food Regulation and Research (CFRR), pati na rin ang pagbuo ng FDA Circular para sa pagrehistro ng traditional medicines sa ilalim naman ng Center for Drug Regulation and Research (CDRR).
Ayon sa ahensya, hango ang pangalan ng Taskforce Thomson mula sa American herbalist at botanist na si Samuel Thomson, founder ng ‘Thomsonian Medicine’ sa Estados Unidos noong 19th century.
Sa pamamagitan ng task force, nais ng FDA na makapagbigay ng malinaw na batayan para sa registration process na kinakailangang pagdaaanan ng mga naturang produkto para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng publiko. – VC