Hinirang bilang first deputy mayor ng New York City sa Estados Unidos ang isang Filipino-American.
Nitong Martes, Oktubre 8, inanunsyo ni Mayor Eric Adams ang promotion ng Fil-Am na si Maria Torres-Springer mula sa pagiging deputy mayor para sa Housing, Economic Development, and Workforce patungo sa pagiging first deputy mayor ng New York City.
“The first deputy mayor serves a critical role in our administration, providing the connective tissue across city government to advance priorities and ensure we are working together to deliver for New Yorkers,” paliwanag ni Adams.
Pangangasiwaan ni Torres-Springer ang strategic direction, operational management pati na rin ang budget ng siyudad sa New York State habang patuloy na tinutugunan ang responsibilidad bilang deputy mayor para sa housing at economic development.
“Throughout my career, I have focused on effective leadership and delivering results for all New Yorkers. I am grateful to Mayor Adams for this opportunity and look forward to working alongside the dedicated public servants of this city,” pahayag ni Torres-Springer sa isang press statement.
Ilan sa mga tututukan ng Fil-Am leader ang pagpapalakas pa sa ekonomiya ng kanyang nasasakupan kung saan pinaplano niyang bumuo ng 500,000 na mga bagong tahanan bago ang 2032.
Nais niya na maisaayos ang lagay ng New York City Housing Authority (NYCHA), pati na rin ang pagpapalawak pa sa mga oportunidad ng trabaho at kultura para sa mga mamamayan nito.
Nauna na niyang binuo ang isang 12-year plan nang maging bahagi siya ng NYC Department of Housing Preservation and Development bilang commissioner kung saan hangad niya na makapagtayo o makapag-preserve ng 300,000 na mga murang pabahay. – VC