
Muling pinangunahan ni First Lady Liza Araneta-Marcos katuwang si San Juan City Mayor Francis Zamora ang ikalawang cycle ng pamamahagi ng tig-10 kilong bigas sa mga senior citizen sa FilOil Center, San Juan City ngayong Lunes, Hunyo 29.
Mula sa 8,898 senior citizens na kabuuang benepisyaryo ng programang Mula sa Puso Para sa Pamilya sa lungsod, halos kalahati o 4,400 ang tumanggap na ng rice assistance, habang ang natitirang benepisyaryo ay inaasahang mabibigyan ngayong linggo.
Sa kanyang mensahe, muling binigyang-diin ng First Lady ang kahalagahan ng paghahatid ng mga programa ng pamahalaan direkta mismo sa mga komunidad.
Ibinahagi rin ng Unang Ginang kung gaano kalapit sa kanya ang naturang lungsod dahil sa San Juan ipinanganak si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at dito siya nabakunahan laban sa COVID-19 noong kasagsagan ng pandemya.
“Totoo po ang sinabi ni Mayor. Dito ipinanganak ang aking asawa. Noong COVID, nandito kami at dito rin po ako naturukan ng bakuna….that was four years ago, and here I am now giving back to all of you. Grabe ang mundo, umiikot talaga,” saad niya.
Nagpasalamat naman si Mayor Zamora kay Pangulong Marcos Jr. para sa patuloy na pagsuporta sa kanyang lungsod, partikular na sa mga nakatatandang residente.
“Tayo ay lubos na nagpapasalamat sa ating mahal na Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil kayo pong mga senior citizens na benepisyaryo ay apat na beses nang tatanggap ng 10 kilong bigas sa taong ito. At ang araw na ito ay simula ng pangalawang pagbibigay na natin,” ani alkade.
Bago ang pormal na distribusyon ng bigas, nagsagawa pa ng raffle para sa mga benepisyaryo kung saan namigay din ng mga papremyo tulad ng rice cooker at Bagong Pilipinas DigiBox units.
Ilan sa mga benepisyaryo ang nagpaabot ng kanilang pasasalamat sa Pangulo at sa First Lady tulad ni Domesthenes Gabac, 97 taong gulang para sa natanggap na tulong.
“Nagpapasalamat ako dahil nabanggit at naalala ang mga senior citizen. Ito ang pagkakataon ko para magpasalamat sa Pangulo at sa First Lady sa tulong na ibinibigay nila sa amin,” ani Gabac.
Samantala, para naman kay Nancy Cayetano, 67, malaking tulong ang libreng bigas dahil maipagbibili niya pa ng ulam ang halagang nakalaan sana para sa bigas.
Ang Mula sa Puso Para sa Pamilya initiative ay bahagi ng patuloy na programa ng administrasyon upang palakasin ang food security, at matiyak na naipaparating ang tulong ng pamahalaan sa mga pamilyang higit na nangangailangan. – VC











