
Sa ilalim ng kanyang “Mula sa Puso Para sa Pamilya” initiative, patuloy si First Lady Liza Araneta-Marcos sa paghahatid ng pag-asa sa Metro Manila, matapos pangunahan ang pamamahagi ng tig-10 kilong bigas sa 27 mga barangay sa lungsod ng Mandaluyong ngayong Biyernes, Hulyo 10.
Mula sa higit 3,000 benepisyaryo ng programa, 2,000 ay senior citizens, 1,000 ay mga miyembro ng Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA) at Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA), at ang natitirang 100 naman ay kinabibilangan ng mga batang may kapansanan.
Ito ay bilang suporta sa flagship program na “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at pinondohan sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF).
Sa harap ng mga benepisyaryong Mandaleños, ipinarating ng Unang Ginang ang mensahe ng pasasalamat at pagmamahal ni Pangulong Marcos Jr. kasabay ng pagkilala sa patuloy na hamon sa ekonomiya na kinahaharap ng maraming pamilyang Pilipino.
“Pinadala ako ng asawa ko para iparating ang mensahe na love na love niya ang mga taga-Mandaluyong,” saad ng First Lady.
Inalala rin ni FL Liza ang ipinamalas na suporta ng mga mamamayan ng Mandaluyong sa political career ni Pangulong Marcos Jr.
“Naalala ko ang asawa ko noong tumakbo siyang Vice President at natalo, pagpunta namin sa Cebu, lahat ng taga-Mandaluyong ay nagpalakpakan at tumayo. Kaya umiyak kami. That’s why we love Mandaluyong,” ayon sa Unang Ginang.
Samantala, umaasa ang First Lady na sa pamamagitan ng pamamahagi ng bigas ay mababawasan ang bigat na nararanasan ng mga benepisyaryo sa mga susunod na araw.
“Alam ko, mahirap ang panahon ngayon. We cannot eradicate poverty 100 percent. But, sana this little rice, hopefully it will make things easier for the next couple of days,” saad ni FL Liza.
Pinasalamatan naman ni Mandaluyong City Mayor Carmelita “Menchie” Abalos ang First Couple para sa muling pagsama sa siyudad sa rice distribution program ng administrasyong Marcos Jr. na may apat na tranche ng pamamahagi.
“Pangalawa na po ito. Kung natatandaan ninyo, kayo rin ang unang nakatanggap ng first tranche. May pangatlo pa at may pang-apat pa. Iyan po ang ibinibigay ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos dahil ramdam nila ang inyong mga problema,” pahayag ng alkalde.
Hindi rin nalimutang pasalamatan ni Mayor Abalos ang Unang Ginang sa kanyang patuloy na pag-alala sa mga mamamayan ng lungsod.
“Ma’am, maraming-maraming salamat po. Hindi ninyo nakakalimutan ang mga taga-Mandaluyong. Ang lahat ng tulong ninyo sa aming pamilya at sa buong Mandaluyong ay hindi namin malilimutan,” dagdag pa ng local chief executive.
Nakiisa sa programa sina bagong talagang Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., dating Mandaluyong City Mayor Ben Abalos, League of Cities of the Philippines National President and San Juan Mayor Francis Zamora, at maging ang city officials, barangay leaders, at kinatawan ng mga sektor ng benepisyaryo. – VC











