
Mula 1.2% noong Disyembre 2025, bumagal sa 0.7% ang food inflation para sa buwan ng Enero 2026, dahilan para manatiling kontrolado ang overall inflation sa bansa ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) ngayong Huwebes, Pebrero 5.
Sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority, naitala sa 2.0% ang inflation rate sa nakalipas na buwan, bahagyang mataas kumpara sa 1.8% noong Disyembre 2025 ngunit mas mababa kaysa sa 2.9% na nairekord noong Enero 2025.
Malaking bahagi ng pagbaba ng food inflation ang mabagal na taas-presyo sa mga pangunahing bilihin kabilang ang baboy na bumaba sa 0.5% mula sa 4.8%; manok na bumaba sa 0.6% mula 0.7% , at baka na nasa 4.6% mula sa dating 5.5%.
Ayon kay DEPDev Undersecretary Rosemarie Edillon, malaking kaginhawaan sa mga Pilipino ang pagbagal ng food inflation lalo pa sa mga malalaking pamilya na mas malaki ang ginagastos para sa pagkain.
Nangako naman ang ahensya na patuloy sisikaping mapanatili sa 2 hanggang 4 percent ang inflation ngayong taon at sa darating na 2027 upang makatulong sa pagpapalakas ng purchasing power ng pamilyang Pilipino. – IP











