Inanunsyo ng Korean Embassy na magkakaroon na ng bisa ang Korea-Philippines Free Trade Agreement (FTA) sa darating na Disyembre 31, 2024.
Ang kasunduang ito ay magmamarka ng isang bagong yugto ng ugnayan ng dalawang bansa.
Ayon sa embahada, ang FTA ay magbubukas ng malawak na oportunidad para sa parehong bansa. Sa ilalim ng kasunduan, kung saan 97% ng mga import ang saklaw nito, mapapadali na ang pagpasok ng mga produktong Pilipino tulad ng saging at pinya sa merkado ng Korea.
Inaasahan din ang pagdagsa ng mga pamumuhunan mula sa mga Korean company na magbubukas ng dekalidad na trabaho, lalo na sa mga sektor ng advanced manufacturing tulad ng mga sasakyan at electronics.
Ayon kay Korean Ambassador to the Philippines Lee Sang-hwa, hindi lamang pang-ekonomiyang benepisyo ang dala ng FTA, ang kasunduang ito ay magsisilbing catalyst para sa mas malalim na kooperasyon sa mga larangan tulad ng healthcare, carbon reduction, at mga makabagong teknolohiya.
“The entry into force of the Korea-Philippines FTA marks the dawn of a new era in our strategic partnership,” saad ng Korean ambassador.
Ang magandang balita ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Korea.
Mula noong 1949, ang dalawang bansa ay nagtutulungan na sa iba’t ibang larangan tulad ng politika, ekonomiya, at kultura.
Ang FTA ay nilagdaan noong Setyembre 7, 2023, sa sidelines ng 43rd ASEAN Summit sa Jakarta, Indonesia.
Sa ilalim ng kasunduan, ang Korea ay magbibigay ng preferential duty-free entry para sa 11,164 na produktong Pilipino na nagkakahalaga ng USD3.18 billion o katumbas ng 87.4% ng kabuuang import mula sa Pilipinas.
Sa pagsisimula ng FTA, umaasa ang mga eksperto na makikita ang mas mabilis na pag-unlad at mas malalim na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Korea. – VC