IBCTV13
www.ibctv13.com

Fuel discount para sa mga PUV driver, itataas sa P12 kada litro simula Agosto 15

169
Views

[post_view_count]

Public Utility Jeepneys. (IBC File photo)

Itataas ng pamahalaan sa P12 kada litro ang fuel discount para sa mga tsuper ng public utility jeepney (PUJ) at UV Express simula Agosto 15, bilang karagdagang ayuda upang maibsan ang epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East sa sektor ng transportasyon.

Mula sa kasalukuyang P10 kada litro, inaasahang makatutulong ang dagdag na diskwento upang makatipid ang mga tsuper ng hanggang P1,800 kada linggo, ayon kay Executive Secretary Ralph Recto.

Inaprubahan ang mas malawak na fuel discount program sa isinagawang pagpupulong ng Gabinete nitong Martes, Agosto 4, sa Malacañang, na pinangunahan ni Recto kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan. 

Kabilang sa mga tinalakay sa pulong ang mga hakbang upang mapagaan ang epekto ng mga external shock, mapanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin, at maipagpatuloy ang suporta sa mga sektor na direktang naaapektuhan ng mga kaganapan sa Middle East.

Ayon sa pamahalaan, mahigit 93,000 public utility vehicle (PUV) drivers na ang nakinabang sa fuel discount program mula nang ilunsad ito noong Abril.

Kasabay nito, ipinag-utos din ni Recto sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyakin ang maagap na pagpapatupad ng UPLIFT assistance program para sa mga vulnerable sector, kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, transport at construction workers, at iba pang mga low-income earners.

“Gaya ng inaasahan, patuloy na nararamdaman ng ating mga kabahayan ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. Dapat tuloy ang trabaho, tuloy ang ayuda, at ramdam ang bawat sektor ang presensya at malasakit ng gobyerno,” pahayag ni Recto.

Matatandaang pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangako ng administrasyon na protektahan ang mga sektor na higit na naaapektuhan ng mga pandaigdigang hamon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng iba’t ibang programa. – VC