IBCTV13
www.ibctv13.com

Funeral benefit para sa mga miyembro at pensioner ng GSIS, itinaas sa P50,000

116
Views

[post_view_count]

GSIS Head Office in Pasay City. (File photo of GSIS)

Itinaas ng Government Service Insurance System (GSIS) ang funeral benefit para sa mga kwalipikadong miyembro at pensyoner mula P30,000 patungong P50,000 upang mabigyan ng karagdagang tulong ang mga naiwang pamilya sa gitna ng pagdadalamhati.

Ayon sa GSIS, sakop ng pinataas na halaga ang lahat ng claim para sa mga namayapang miyembro simula ngayong araw, Hulyo 13, 2026.

“Every family deserves support and dignity when they lose someone they love,” ani GSIS President and General Manager Wick Veloso.

Tinatayang 21,000 hanggang 25,000 pamilya sa buong bansa ang makikinabang sa funeral benefit bawat taon, kung saan naglaan ang GSIS ng hanggang P1.25 bilyon taun-taon upang matustusan ang higher payout.

Saklaw ng funeral benefit ang mga kwalipikadong aktibong miyembro ng GSIS, mga separated member na entitled sa separation o retirement benefits, mga old-age pensioner, at ilang retirees sa ilalim ng Republic Act (RA) Nos. 1616 at 8291.

Maaari ring makinabang ang mga nagretiro sa ilalim ng RA 1616 bago ipatupad ang RA 8291, kung sila ay nakapagsilbi sa gobyerno nang hindi bababa sa 20 taon.

Ayon sa GSIS, ang P50,000 na funeral benefit ay ibibigay lamang sa isang kwalipikadong claimant.

Prayoridad ang lehitimong asawa ng namayapa, kasunod ang lehitimong anak na gumastos sa pagpapalibing.

Kung walang asawa o anak na kwalipikado, maaari ring maghain ng claim ang ibang indibidwal basta makapagpakita ng sapat na patunay na siya ang nagbayad ng mga gastusin sa libing.

Kabilang sa mga kailangang isumite ng claimant ang death certificate ng miyembro, isang valid government-issued ID, at iba pang dokumentong hinihingi ng GSIS.

Ang mga claimant na hindi asawa ng namayapa ay kinakailangan ding magsumite ng patunay na sila ay sumagot sa gastusin sa pagpapalibing.

Ayon sa GSIS, bahagi ang pagtaas ng funeral benefit ng patuloy nitong pagpapalakas sa social protection para sa mga manggagawa sa pampublikong sektor, mga pensyoner, at kanilang mga benepisyaryo. VC