IBCTV13
www.ibctv13.com

Fur mom na nagsalba ng kanyang pets sa gitna ng sunog, pinarangalan ng Mandaue City

Kristel Isidro
83
Views

[post_view_count]

Kuha mula kay Ivy Baya at Mandaue City Public Affairs Office/Facebook

Kinilala ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Mandaue, Cebu, ang pambihirang tapang at malasakit ng furmom na si Ei Mei Lee Chiu-Maningo matapos na isugal ang sariling buhay mailigtas lamang ang dalawang alagang aso sa sumiklab na sunog sa Barangay Guizo noong Disyembre 10.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Maningo na ang kaniyang naging aksyon ay tungkulin lamang ng isang responsableng furparent.

Kwento niya, walang kakayahan ang mga alagang hayop na ipahayag ang kanilang nararamdaman, kaya responsibilidad ng kanilang mga amo na pakiramdaman sila at umaksyon sa oras ng panganib.

“Let us be responsible, kay ang pets na’to, they don’t have a way of saying unsa ilang na feel, so we must be responsible enough and compassionate enough nga i-take care gyud atong mga alaga.”

Ang parangal ay nag-ugat sa makapigil-hiningang video kuha sa kasagsagan ng sunog sa isang tatlong palapag na gusali sa Brgy. Guizo.

Sa video, makikitang nasa balkonahe si Maningo habang nilalamon ng makapal at maitim na usok ang ikatlong palapag. Makalipas ang ilang segundo, isa-isang iniangat ng babaeng amo ang kanyang mga aso at buong tapang na inihagis sa mga bumbero at bystanders na nakaantabay sumalo sa ibaba.

Ayon sa mga nakasaksi, parehong ligtas na nasalo ang mga alaga. Matapos masiguro ang kaligtasan ng dalawang alagang aso, sinubukan na rin ni Maningo na iligtas ang sarili at kalauna’y nasagip din bagama’t nagtamo ng minor injuries.

Ang ginawa ni Maningo ay mabilis na naging simbolo ng malasakit sa mga alagang hayop, lalo na sa oras ng sakuna.

Sa social media, marami ang nagpahayag ng paghanga sa kanya at ginamit ang karanasan ng Cebuana upang ipaalala ang responsibilidad ng mga pet owner pagdating sa kapakanan ng kanilang mga alaga.

Mula sa mga komento ng netizen hanggang sa suporta ng ilang animal welfare group, ang mensahe ay malinaw: ang mga alagang hayop ay ganap na umaasa sa kanilang mga amo, at anumang desisyon sa gitna ng panganib ay maaaring magdikta ng kanilang kaligtasan o kapahamakan.

Related Articles