‘Very critical’ kung maituturing ni Senator Sherwin Gatchalian ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa pagtakas ng nasibak na mayor na si Alice Guo sa Pilipinas na naging tulay upang mabilis na mahuli ang dalawa nitong kasamahan sa Indonesia.
Isang araw matapos ang pahayag ni Pangulong Marcos Jr. agad ding nadakip sa Riau, Indonesia ang kapatid ni Alice na si Shiela Guo at ang incorporator ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na si Cassandra Li Ong, Huwebes, Agosto 22.
Ayon kay Gatchalian, maraming ahensyang dadaanan sina Guo at Ong ngunit kailangan gawin ang procedural mandate ng Department of Justice (DOJ) pati na rin ng House of Representatives.
Kinakailangan muna kasing dumaan sa proseso ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawa, na susundan ng hakbangin ng DOJ.
Inaasahang sasalang sa isang pagdinig sa Senado ang dalawa sa Martes, Agosto 27 kung saan tuluyan silang itu-turn-over sa Mataas na Kapulungan.
Nauna nang iniulat ng BI na lumabag sa immigration law si Guo habang haharap naman sa kasong obstruction of justice at violation ng passport law ang kasama nitong si Ong.
Nakatitiyak naman si Gatchalian na nasa Indonesia lamang ang dismissed mayor ng Bamban, Tarlac at malapit nang mahuli dahil naka-heightened na ang immigration ng Indonesia pati na rin ang ibang ahensya ng bansa.
“Ako sigurado ako, malapit na malapit nang mahuhuli si Alice Guo, Wesley Guo, at yung iba pang kasamahan niya sa Indonesia,” saad ni Gatchalian.
Samantala, nananatiling malaking palaisipan sa Senador ang pahayag ng abugadong si Elmer Galicia na nagsabing mismong si Guo ang nagtungo sa kanyang opisina nang magpagawa ito ng notaryo para sa counter affidavit na inihain sa DOJ.
Maging siya ay kasama sa sasalang sa pagdinig sa Martes.
Matatandaang isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18 kasunod ng ilang beses nitong hindi pagtugon sa pagdinig ng Senado ukol sa pamemeke ng kanyang identity at ang kanyang hinihinalang koneksyon sa iligal na operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac.