IBCTV13
www.ibctv13.com

General amnesty para sa unpaid PhilHealth contribution mula 2013, ipinag-utos ni PBBM

Kristel Isidro
210
Views

[post_view_count]

Cashier area at the Philippine Health Insurance Corporation. (Photo courtesy of PNA)

Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapatupad ng one-time interest waiver alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na tulungan ang mga employer at mga miyembro na maresolba ang mga hindi nababayarang kontribusyon, o bawasan ang naipong interes mula sa pagbabayad sa premium.

Nilinaw ng PhilHealth na ang waiver ay eksklusibong sumasaklaw lamang sa interes at hindi kabilang ang mismong halaga ng hindi nabayarang kontribusyon.

Magbibigay ang PhilHealth ng isang taong palugit mula sa petsa ng bisa ng circular upang mabayaran ang mga natitirang premium.

Ayon sa ahensya, mas malaki ang maaaring maging bawas sa interes para sa mga employer na magbabayad nang mas maaga, depende sa haba ng payment arrangement.

Nakatakdang ilabas ang detalyadong alituntunin para sa employed sector, habang tinatapos pa ang implementing mechanics para sa self-employed sector upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa.

Bilang seguridad, kinakailangang irehistro ng mga employer ang kanilang mga empleyado sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) at tiyaking maisasagawa ang First Patient Encounter (FPE).

Ayon sa PhilHealth, mahalaga ang kondisyong ito upang hindi lamang makolekta ang mga nakaligtaang kontribusyon kundi matiyak din na aktuwal na nakikinabang ang mga manggagawa sa serbisyong pangkalusugan.

Hinikayat ng PhilHealth ang lahat ng kwalipikadong employer at miyembro na samantalahin ang programa, at pinayuhan ang publiko na hintayin ang mga opisyal na anunsyo para sa iskedyul ng implementasyon at mga opsyon sa pagbabayad, partikular na para sa self-employed sector. – VC