IBCTV13
www.ibctv13.com

German Federal President Steinmeier, bibisita sa Pilipinas mula Hunyo 15-17; kalakalan, depensa, at renewable energy, tatalakayin kasama si PBBM

74
Views

[post_view_count]

German President Frank-Walter Steinmeier. (Photo from American Academy in Berlin)

Inaasahang tatanggapin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si German President Frank-Walter Steinmeier sa susunod na linggo para sa isang state visit sa Pilipinas mula Hunyo 15-17.

Ito rin ang magmamarka sa higit pitong dekada ng mahabang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Germany.

Nakatakdang pag-usapan ng dalawang lider ang mga mahahalagang isyu at kooperasyon kabilang ang depensa, kalakalan at pamumuhunan, climate change, peacebuilding, maritime cooperation, people-to-people exchanges, at renewable energy.

Magpapalitan din ng pananaw sina Pangulong Marcos Jr. at German President Steinmeier kaugnay sa mga pandaigdigan at panrehiyong usapin, kasama na ang nagpapatuloy na Chairship ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Makasaysayan ang magiging pagbisita ni Steinmeier sa bansa dahil 1963 pa nang huling bumisita ang isang Head of State ng Germany sa pangunguna ni German President and Mrs. Heinrich Lübke.

Bago ang inaasahang pagbisita ni President Steinmeier, matatandaang nagsagawa na ng working visit si Pangulong Marcos Jr. sa Berlin noong Marso 2024, kung saan nakapulong niya si German Chancellor Olaf Scholz.

Nagsisilbing Development Partner sa ASEAN ang bansang Germany magmula pa noong 2016, at boses sa “rule of law” at “rules-based international order” sa Indo-Pacific region.

Bukod dito, nangungunang trading at investment partner ng Pilipinas ang Germany sa hanay ng European Union (EU) countries, kung saan kabilang sa mga kilalang kumpanya ng bansa sa Pilipinas ang Siemens, Lufthansa Technik, Deutsche Bank, Bayer, at Bosch. – VC