
Nabawasan ang gross borrowing ng pambansang pamahalaan nitong Marso 2025 kung saan umabot lamang sa P192.46 bilyon ang kabuuang hiniram—mas mababa ng 7% kumpara sa kaparehong buwan noong 2024.
Batay sa ulat ng Bureau of the Treasury (BTr), ang kabuuang utang sa unang tatlong buwan ng 2025 ay nasa P745.14 bilyon o 30% na mas mababa kaysa sa unang quarter noong nakaraang taon.
Ang pagbaba ng utang ay bahagi nang mas maingat na estratehiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, para harapin ang mga pandaigdigang hamon kabilang na ang mataas na interes at pabagu-bagong polisiya sa kalakalan.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagbabantay ng pamahalaan sa merkado upang masiguro na napapanahon at kapaki-pakinabang ang bawat pag-utang.
Bagaman kapansin-pansin ang pagbaba sa inutang ngayong taon, ang kabuuang target na P2.5 trilyon para sa buong 2025 ay nananatiling layunin upang punan ang inaasahang budget deficit na P1.54 trilyon o katumbas ng 5.3% ng gross domestic product (GDP).
Sinabi naman ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na mas pinapaboran sa ngayon ang lokal na pangungutang dahil may sapat na pera sa lokal na ekonomiya na maaaring gamitin para sa mga mahahalagang proyekto ng pamahalaan.
Sa kabuuan, nasa 29% na ng taunang borrowing program ng administrasyon ang naisakatuparan sa unang quarter ngayong 2025. – VC