
Nagbukas ang Government Service Insurance System (GSIS) ng emergency loan program para sa mga aktibong miyembro at pensyoner na naapektuhan ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon sa Albay at landfill landslide sa Cebu City.
Ayon sa GSIS, maaaring mag-avail ng emergency loan ang mga kwalipikadong miyembro at pensyoner na nagtatrabaho o naninirahan sa Albay at Cebu, bilang bahagi ng patuloy na pagkakaloob ng emergency loan ng ahensya na bukas ang aplikasyon hanggang Pebrero 7.
Kamakailan lamang nang itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alert status ng Bulkang Mayon sa Alert Level 3, na nangangahulugang may mataas na banta ng pagputok at kinakailangan na ang paglikas ng mga residente sa mga danger zone.
Samantala, gumuho ang landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City bunsod ng tuluy-tuloy na pag-ulan.
Layunin ng emergency loan na matulungan ang mga apektadong miyembro at pensyoner para sa kanilang mga pangangailangang pinansyal dulot ng mga kalamidad.
Kwalipikadong mag-apply ang mga aktibong miyembro na hindi naka-leave nang walang bayad, may hindi bababa sa tatlong buwang hulog sa premium sa loob ng huling anim na buwan, walang nakabinbing administrative o criminal case, walang hindi nababayarang loan nang higit sa anim na buwan, at may take-home pay na hindi bababa sa P5,000 matapos ang mga kaltas.
Para sa matatanda at disabled pensioners, kinakailangang may 25% ng buwanang pensyon ang matitira matapos ang loan deduction.
Maaaring umutang ng P20,000 ang mga bagong aplikante, habang ang may umiiral na emergency loan ay maaari namang umutang ng hanggang P40,000 na ibabawas sa natitirang balanse upang makakuha ng maximum net loan na P20,000.
Ang loan ay babayaran sa loob ng tatlong taon na may 6% na interes, walang processing fee, at saklaw ng loan redemption insurance. – VC











