
Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng P2.75 bilyong pondo para sa emergency loan ng mahigit 109,000 miyembro at pensyonado na naapektuhan ng El Niño, dengue outbreak, at mga peste sa pananim sa ilang lalawigan sa bansa.
Ayon sa GSIS, nasa 109,047 aktibong miyembro at old-age and disabled pensioner ang maaaring makinabang sa pautang sa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity o public health emergency.
Maaaring umutang ng hanggang P40,000 ang mga kwalipikadong miyembro upang magamit sa pagpapagawa ng nasirang bahay o ari-arian, pagpapagamot at pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan.
Itinakda ang deadline ng aplikasyon hanggang Nobyembre 13 para sa Capiz, Nobyembre 20 para sa Camarines Norte, Camarines Sur, at Naga City, at Nobyembre 28 para naman sa Agusan del Sur, at Las Nieves, Agusan del Norte.
Tumatanggap din ang GSIS ng aplikasyon sa iba pang lugar na sinalanta ng kalamidad.
Hanggang Nobyembre 12 ang deadline sa Cavite, at Nobyembre 16 naman sa Rodriguez, Rizal.
Para sa mga miyembrong wala pang emergency loan, maaari silang umutang ng hanggang P20,000.
Ang mga mayroon pang hindi nababayarang dating emergency loan ay maaari namang mag-apply ng hanggang P40,000.
Gayunman, ibabawas sa bagong loan proceeds ang natitirang balanse ng dating loan.
May 6% interes kada taon ang emergency loan at maaaring babayaran sa loob ng tatlong taon, na katumbas ng buwanang hulog na P655.56 para sa P20,000 na pautang at P1,311.11 naman para sa P40,000.
May kasama rin itong insurance na magbayayad sa natitirang loan proceeds sakaling pumanaw ang nangutang, basta ay updated ang kanyang mga bayad.
Para maging kwalipikado, kailangang nagtatrabaho o nakatira ang aktibong miyembro sa lugar na idineklarang nasa State of Calamity.
Wala rin dapat na nakabinbing administrative o criminal cases, at kailangang pasado sa kondisyon ng GSIS sa hulog at pagbabayad ng utang.
Dapat ding may natitirang buwanang sahod na hindi bababa sa P5,000 matapos ibawas ang mga mandatory deduction.
Para sa mga old-age at disabled pensioner, maaaring mag-apply kung ang matitirang buwanang pensyon matapos ang kaltas sa loan ay hindi bababa sa 25% ng kanilang basic pension.
Maaaring magsumite ng aplikasyon sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application, kung saan direktang ike-credit sa ATM account ng aprubadong aplikante ang kanilang loan proceeds. – IP











