IBCTV13
www.ibctv13.com

GSIS, naglaan ng P4.4-B emergency loan para sa mga miyembrong naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at Habagat

190
Views

[post_view_count]

Government Service Insurance System (GSIS) Head Office in Pasay City. (File photo of GSIS)

Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng halos P4.4 bilyon para sa emergency loan ng 166,789 aktibong miyembro at pensioner na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at Habagat sa siyam na lugar sa Luzon.

Ayon sa GSIS, maaaring mag-apply ang mga aktibong miyembro, old-age, at disabled pensioner.

Pinakamahaba ang panahon ng aplikasyon sa Cavite at Rodriguez, Rizal, kung saan nasa 94,750 miyembro at pensioner ang maaaring mag-apply sa loan hanggang Nobyembre 12 at Nobyembre 16.

Samantala, hanggang Setyembre 13 ang deadline ng aplikasyon para sa 65,737 borrower sa Pampanga, Calumpit sa Bulacan, at Mangaldan at Dagupan City sa Pangasinan.

May hanggang Setyembre 18 naman para mag-apply ang 1,964 miyembro at pensioner sa Sta. Barbara, Pangasinan, habang hanggang Setyembre 20 ang aplikasyon sa Hagonoy, Bulacan at Masinloc, Zambales.

Ayon sa ahensya, maaaring humiram ng hanggang P20,000 ang mga kwalipikadong borrower na walang kasalukuyang emergency loan.

Para naman sa may natitirang balanse sa dating emergency loan, maaaring makahiram ng hanggang P40,000, alinsunod sa mga patakaran ng GSIS.

May 6% taunang interest rate ang loan at babayaran sa loob ng 36 pantay na buwanang hulog, habang sakop din ito ng loan redemption insurance.

Ang mga interesadong aplikante ay maaaring magsumite ng aplikasyon gamit ang GSIS Touch mobile application.

Sa oras na maaprubahan, direktang ipapasok ang loan proceeds sa GSIS eCard o UMID card ng borrower. – VC