Nasa 1,992 na pangalan ng mga indibidwal ang kasalukuyang iniimbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability dahil sa kawalan ng malinaw na record ng kanilang pagkakakilanlan.
Ang mga pangalang lumabas sa imbestigasyon ng Kamara ay konektado umano sa maanomalyang paggamit ng P500 milyong halaga ng confidential funds sa Office of the Vice President.
Dahil dito, muling nakipag-ugnayan ang komite sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang beripikahin ang civil registry records ng mga nasabing indibidwal na kabilang sa acknowledgment receipts (ARs) na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA) bilang patunay umano sa paggastos sa confidential funds mula late 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.
“May we request for the verification of the Civil Registry Documents (birth, marriage, and death) of the names in the attached list relative to the investigation being conducted by the Committee,” saad ni Manila 3rd District Representative Joel Chua.
Matatandaan kamakailan na naging tampulan ng atensyon ang pangalan na “Mary Grace Piattos” na lumabas sa imbestigasyon ng komite matapos mapag-alaman na walang record sa database ng PSA. – VC