Inaasahan ang paglakas ng hanging ‘amihan’ o northeast monsoon sa mga susunod na araw na magdudulot ng mas malamig na temperatura sa bansa, batay sa 4:00 a.m. weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Patuloy namang magpapaulan ang northeast monsoon sa ilang bahagi ng Cagayan Valley at Cordillera region.
Makakaranas naman ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan ang ilang bahagi ng Eastern Visayas at Eastern Mindanao dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Samantala, iiral ang shearline sa silangang bahagi ng Southern Luzon kasama ang ilang bahagi ng CALABARZON, MIMAROPA, Camarines Province, at Aurora na magdudulot ng maulap na kalangitan at pag-ulan.
Batay pa sa weather forecast, maliit ang tiyansa na magkakaroon ng bagyo sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ngayong linggo hanggang sa susunod na linggo.
Fair weather naman ang mararanasan sa ilang bahagi ng bansa ngunit patuloy na pinag-iingat ng PAGASA ang lahat mula sa mga panaka-nakang ulan at thunderstorms.
Hinihikayat ang mga residente na patuloy na mag-ingat sa banta ng baha o pagguho ng lupa. – VC