As of July 2024, umabot na sa 1.560 bilyong Short Message Service (SMS) ang na-block ng public telecommunication entities (PTE) magmula nang ipatupad ang SIM registration law sa bansa noong 2022.
Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), kabilang sa mga blocked SMS ay naglalaman ng mga bank at game links, gayundin ang raffle, loan, employment at customer service scams.
Nakapag-deactivate rin ang mga PTE ng nasa 661,685 SIM cards at nakapag-blacklist ng nasa 677,563 numbers.
Upang matigil ang patuloy na pagkalat ng text scams, tinatalakay ngayon sa Kamara ang panukalang pag-amyenda sa SIM registration law.
Tinitingnan ito bilang paraan para masolusyunan ang iba’t ibang kaso ng panloloko online, partikular na ang paggamit ng mga pekeng litrato sa identification card.
Matatandaang noong Disyembre 2022 ay nagsimula ang pagrerehistro ng mga user sa kanilang ginagamit na SIM card bilang pagtiyak sa pagkakakilanlan ng mga gumagamit nito.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 155.729 milyong ang kabuuang bilang ng mga rehistradong SIM card sa bansa.