
Umabot na sa 1,078,164 ang bilang ng mga pasyenteng nakinabang sa programang zero-balance billing (ZBB) ng Department of Health.
Matatandaang inanunsyo ang pagsasagawa ng programang ito sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Hulyo.
Sa ilalim ng ZBB program, libre na ang anumang serbisyong medikal gaya ng mga medical procedure, doctor’s professional fee, gamot, at pangunahing akomodasyon sa mga DOH hospital.
“Ibig sabihin, ang serbisyo sa basic accommodation sa ating mga DOH na ospital wala nang babayaran ang pasyente dahil bayad na ang bill ninyo,” saad ng Pangulo sa kanyang nakaraang SONA.
Ang programa ay bahagi ng Universal Health Care Act of 2019 na naglalayong tiyakin ang pagpapalawak ng aksesibilidad ng mga Pilipino sa abot-kaya ngunit de-kalidad na serbisyong medikal.











