
Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nanguna sa pamamahagi ng 209 na mga bagong laptop sa mga guro ng 10 pampublikong paaralan sa Dagupan City, Pangasinan ngayong Lunes, Nobyembre 9.
Bahagi ito ng 231,725 laptops na na-procure ng pamahalaan para sa mga guro sa buong bansa, sa pagsisikap na mapalawak pa ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa sektor ng edukasyon.
Ayon sa Schools Division Office (SDO) ng Dagupan City, nagkakahalaga ng mahigit P8.6 milyon ang kabuuang 209 na laptops na ipinamahagi.
Mula rito, 72 units ang inilaan para sa mga guro sa Dagupan City National High School, habang 137 units naman ang ipinamahagi sa siyam na iba pang pampublikong paaralan.
Layunin ng programa na matulungan ang mga guro sa kanilang pang araw-araw na gawain, partikular sa paghahanda ng mga aralin, paggawa ng mga ulat, at paggamit ng teknolohiya sa paraan ng pagtuturo.
Bilang bahagi ng programa, sasailalim din sa pagsasanay sa ilalim ng GuroXL, isang inisyatiba ng DepEd at National Educators Academy of the Philippines (NEAP), ang lahat ng gurong nakatanggap ng laptop.
Bahagi ng pagsasanay ang pagkuha ng Apple Teacher certifications at specialized leadership technology credentials ng mga guro upang matiyak na magagamit nang wasto at epektibo ang mga bagong kagamitan sa loob ng silid-aralan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagbibigay ng makabagong kagamitan sa mga pampublikong paaralan upang mapalawak ang oportunidad sa pagkatuto ng mga mag-aaral at matugunan ang digital divide.
Ayon pa sa punong ehekutibo, makatutulong ang mga laptop upang higit pang mapahusay ng mga guro ang kanilang pagtuturo at maihanda ang mga mag-aaral sa mga hamon at oportunidad sa paggamit ng teknolohiya.
“Sa bawat batang inyong tinuturuan, may buhay kayong hinuhubog at maagap na tinutulungang maabot. At sa bawat batang inyong ginagabayan, hinuhubog ninyo ang kinabukasan ng ating bayan,” ani Pangulong Marcos Jr.
Samantala, tiniyak naman ni Department of Education Secretary Sonny Angara na magpapatuloy ang kagawaran sa pagbibigay ng mga kinakailangan kagamitan at angkop na pagsasanay upang mapagaan ang trabaho ng mga guro.
“Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr, gusto nating ibigay sa ating mga guro ang pinakamahusay na tools at tamang training para mapadali ang paggawa nila ng lesson plans o reports at mas makapag-focus sila sa pagtuturo,” ani Angara. – MP











