IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit 200,000 trabaho sa ilalim ng TUPAD program para sa Brigada Eskwela, ilulunsad ng DOLE

Kristel Isidro
127
Views

[post_view_count]

Photo courtesy of DOLE

Maglulunsad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit 200,000 oportunidad sa trabaho sa buong bansa sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program simula ngayong Lunes, Hunyo 1.

Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, itatalaga ang mga benepisyaryo ng TUPAD upang tumulong sa pagpapatupad ng “Brigada Eskwela” ng Department of Education (DepEd) bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase para sa darating na School Year (SY) 2026-2027.

Nakatakdang magsagawa ang mga manggagawang kabilang sa programa sa paglilinis, pagkukumpuni, at iba pang kinakailangang paghahanda sa mga silid-aralan at pasilidad ng mga paaralan upang matiyak na handa ang mga ito sa pagbabalik ng mga mag-aaral.

“Sa June 1 po, malawakang TUPAD program ang ilulunsad, ito po ay katulong ang Department of Education. Ito ang Brigada Eskwela na naglalayon mag-provide ng halos
mahigit dalawang daang libong trabaho nationwide mula June hanggang magsimula na ang eskwela or even classes are ongoing,” pahayag ni Tolentino.

Sabay-sabay na ipatutupad ang programa sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, kung saan ang mga regional director at assistant director ng DOLE ang nakatakdang mangasiwa sa implementasyon nito sa pakikipag-ugnayan sa DepEd.

Ang TUPAD ay inilunsad noong 2009 sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP), na naglalayong magbigay ng pansamantalang hanapbuhay sa mga marginalized, underemployed, at displaced workers sa loob ng 10 hanggang 30 araw.

Karaniwang inaatasan ang mga benepisyaryo na magsagawa ng mga gawaing pangkomunidad tulad ng paglilinis ng mga kalsada, pagtanggal ng mga bara sa kanal, pagtatanim ng mga puno, at pagkukumpuni ng mga pampublikong pasilidad.

Bilang kapalit, tumatanggap sila ng sahod batay sa umiiral na regional minimum wage. – MP