
Mahigit 200,000 estudyante mula sa 42,000 barangays sa buong bansa ang inaasahang magiging benepisyaryo ng Presidential Scholars Program sa ilalim ng “Bawat Bayan Makikinabang” program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na inaasahang mas titiyak sa kanilang edukasyon.
Sa ilalim ng programa, bawat barangay ay tatanggap ng P200,000 mula sa Socio-Civic Projects Fund (SCPF), kung saan hiniling mismo ng Pangulo na ilaan ang P100,000 para sa scholarship grants.
Sa bawat barangay, ipinag-utos ng Pangulo na pumili ng limang iskolar, partikular ang mga estudyanteng malapit nang magtapos, na bibigyan ng P20,000 na halaga ng educational assistance bilang dagdag suporta sa kanilang pag-aaral.
“Ang piliin ninyo, ‘yung mga magtatapos na. Pero baka hindi makapagtapos dahil kulang sa pambayad, kailangang magtrabaho, kung ano man ang dahilan,” ani Pangulo sa isinagawang Meet and Greet para sa mga Batang Maynila Presidential Scholars sa Rizal Memorial Coliseum, Miyerkules, Hunyo 3.
Ang inisyatiba ay kasunod ng datos mula sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM-2) na nagsasabing halos 29% ng mga college student ang nag-dropout noong 2025.
Ayon sa Pangulo, ito ang isa sa mga pangunahing suliraning nais tugunan ng programa upang matiyak na mas maraming kabataan ang makapagtatapos ng kanilang pag-aaral.
Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos Jr. sa harap ng mga kabataan ang kahalagahan ng edukasyon sa paghubog ng mas magandang kinabukasan at ng bansa.
Aniya, mahalagang madagdagan ang bilang ng mga nakapagtatapos dahil sila ang inaasahang magiging susunod na henerasyon ng mga lider ng bansa.
“Darating ang araw na kami na mga liderato ngayon ay matatapos na ang aming mga termino. Kayo naman ang titingnan ng ating bansa na mamuno,” saad ng Pangulo sa mga iskolar.
Sa kasalukuyan, iniulat ng punong ehekutibo na nasa halos 15,000 barangay na ang nabigyan ng suporta mula sa SCPF, habang 4,000 estudyante ang inaasahan pang magiging iskolar sa Maynila.
Tiniyak naman ng Pangulo sa mga iskolar na magpapatuloy ang administrasyon sa pagpapatupad ng programa upang masiguro na ang tulong ng pamahalaan ay mabilis na darating sa mga benepisyaryo sa tulong ng mga lokal na pamahalaan. – VC











