Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) ang higit 3,000 dayuhan na nagtatrabaho sa
Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nakaalis na ng Pilipinas matapos magsagawa ng visa downgrading.
As of September 24, umabot na sa 5,955 ang downgraded visa kung saan 55% dito ay nakaalis na ng bansa ayon kay BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado na nanguna sa isang pagpupulong ng “Task Force POGO Closure”.
“During the meeting, members agreed to conduct service days for POGO companies, where we will implement their downgraded visa status and issue exit clearances,” saad ni Viado.
Sinabi ni Viado na bumuo ng iba’t ibang team ang task force upang magsagawa ng on-the-spot downgrading sa mga POGO hub na ngayon ay tinatawag na bilang Internet Gaming Licensees (IGLs).
Katuwang dito ng BI ang Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Hanggang Oktubre 15 na lamang ang ibinigay na deadline ng DOJ para sa POGO workers upang boluntaryong magpa-downgrade ng kanilang visa. Sakaling bigong sumunod, mapipilitan silang umalis ng bansa sa loob ng 59 araw.
Nakatakda namang magsagawa ng deportation proceedings ang BI para sa bigong umalis ng bansa bago ang Disyembre 31 habang aarestuhin at isasama sa blacklist ang matitirang POGO workers hanggang 2025. – VC