IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit 303,000 food packs, naipamahagi ng DSWD sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao

211
Views

[post_view_count]

The Department of Social Welfare and Development Field Office – Soccsksargen distributed food packs, hygiene kits, and sleeping kits to families temporarily staying at the Tent City in Glan, Sarangani last Monday, June 15. (Photo courtesy of DSWD Field Office 12)

Mahigit 303,000 kahon ng family food packs (FFPs) ang kabuuang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilya at indibidwal na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao as of June 17, 2026.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong dahil sa patuloy na pangangailangan ng mga residente batay sa isinagawang assessment ng DSWD katuwang ang mga local government unit (LGUs).

Sinabi ni Dumlao na nakahanda ang ahensya na magbigay ng karagdagang augmentation support sa mga apektadong lugar sa oras na humiling ng dagdag na tulong ang mga LGU.

Aniya, sapat ang suplay ng relief goods ng DSWD upang tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad, kabilang ang mahigit 4.7 milyong family food packs na nakahanda sa national stockpile ng ahensya.

“On the part of the DSWD, we are ready. We have more than 4.7 million family food packs sa ating national stockpile. Kung kinakailangan pa ng karagdagang augmentation support mula sa ating pamahalaang nasyonal ay gagawin po iyan ng DSWD,” ani Dumlao.

Batay sa pinakahuling ulat ng Disaster Response Operations Monitoring, Information, and Communication (DROMIC), umabot na sa P223.4 milyon ang kabuuang halaga ng humanitarian assistance na naipagkaloob ng DSWD sa mga naapektuhang komunidad.

Kabilang sa mga naipamahaging ayuda ang FFPs, ready-to-eat food (RTEF), cash aid, at iba pang non-food items.

Tiniyak din ng DSWD na maaabot ng tulong ang lahat ng apektadong lugar, kabilang ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).

Para sa mga komunidad na mahirap marating, gumagamit ang ahensya ng transportasyong panghimpapawid at pandagat sa paghahatid ng relief goods sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Air Force (PAF), at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Samantala, naghahanda na rin ang DSWD para sa implementasyon ng Emergency Cash Transfer (ECT) program para sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol.

Isasagawa ito sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos at mabilis na pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo. – VC