
Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa ng mga newly-promoted at newly-hired na mga kawani ng Department of Education (DepEd) sa isang mass oath-taking ceremony sa Dagupan City, Pangasinan, ngayong Lunes, Nobyembre 9.
May kabuuang 5,211 pampublikong guro at school heads ang na-promote, habang 234 bagong School Counselor Associates (SCA) ang na-hire sa lalawigan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay at professional development ng mga guro upang mabigyan sila ng mas maraming oportunidad na umangat sa kanilang karera.
“We want to see more of our teachers grow, succeed, and advance in your profession. Hence, we promote the continuous learning and professional development,” ani Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, mahigit 607,574 guro na ang nakalahok sa iba’t ibang professional development at training programs ng pamahalaan mula 2022 hanggang 2025.
Bahagi ito ng pagpapatupad ng Expanded Career Progression (ECP) System ng na naglalayong magbigay ng mas malinaw at malawak na oportunidad para sa pagsulong ng karera ng mga guro.
Iniulat ng Pangulo na mahigit 82,100 guro at school head na sa buong bansa ang nakinabang sa reclassification sa ilalim ng ECP System.
Sa Pangasinan, mahigit 10,200 guro at school head na rin ang nakatanggap ng benepisyo mula sa programa.
Binigyang-diin naman ng Pangulo ang pagbabawas sa mga administrative task ng mga guro upang mas mapagtuunan ng pansin ang pagtuturo at paggabay sa mga mag-aaral.
Mula sa dating 174 na kinakailangang forms, ibinaba na ito sa 75, kung saan lima na lamang ang kailangang regular na kumpletuhin.
Kasabay nito, pinalalawak din ng pamahalaan ang National Learners TeleSafe Contact Center Helpline at pinagtibay ang mga polisiya at koordinasyon laban sa bullying upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Sa huli, binigyang-diin ng Pangulo na kinikilala ng kanyang administrasyon ang mga guro bilang mahalagang katuwang sa pagsusulong ng pambansang kaunlaran. – VC











