IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit 700 magsasaka sa Bohol, makikinabang sa pinasinayaang irrigation project ni Pangulong Marcos Jr.

122
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. inaugurated the Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) in Brgy. Abaca, Mabini, Bohol today, June 22. (Photo courtesy of PCO)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapasinaya sa P833.37 milyong halaga ng Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa Barangay Abaca, Mabini, Bohol ngayong Lunes, Hunyo 22, na inaasahang magbibigay ng tuluy-tuloy na suplay ng tubig para sa 530 ektaryang sakahan sa probinsiya.

Ayon sa National Irrigation Administration (NIA), may kabuuang 717 magsasaka mula sa mga bayan ng Mabini at Alicia ang inaasahang makikinabang mula sa proyekto.

Saklaw ng irigasyon ang mga sakahan sa Brgy. Abaca, San Roque, Aguipo, at Cabidian sa Mabini, gayundin ang Brgy. Cayacay sa Alicia.

Bahagi ng proyekto ang isang dam na may taas na 32.20 metro at habang 210 metro, isang ungated ogee-weir spillway, at 11.31 kilometrong main canal.

Manggagaling ang tubig mula sa Baujanan at Cawasan Creeks, saka ipamamahagi sa mga sakop na sakahan.

May kapasidad ang reservoir na mag-imbak ng hanggang 3.82 milyong cubic meter ng tubig, na inaasahang magtitiyak ng mas maaasahang suplay ng tubig para sa mga magsasaka, magpapataas ng cropping intensity, at magpapalakas ng produksyon sa sektor ng agrikultura sa lugar.
Sa kanyang talumpati, iginiit ng Pangulo ang tungkulin ng pamahalaan na suportahan ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng mga proyektong makatutulong sa mga magsasaka.

“Tungkulin namin sa pamahalaan na pantayan ang sipag ninyo. Kaya’t gumagawa kami ng mga pasilidad at nagbibigay ng mga kagamitan upang matiyak na hindi masasayang ang inyong pagod at ang inyong sakripisyo,” ani Pangulo.

Inaasahang mababawasan din ng proyekto ang pangamba ng mga magsasaka sa epekto ng nalalapit na El Niño.

“Kasabay nito, mababawasan ang kanilang pangamba sa epekto ng El Niño, sapagkat may maaasahang pagkukunan ng tubig para sa mga pananim,” ayon sa Pangulo.

Ayon kay NIA Administrator Engr. Eddie G. Guillee, layunin ng Mabini-Cayacay SRIP na palakasin ang mga komunidad ng magsasaka at isulong ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa Bohol.

“Ang Mabini-Cayacay SRIP ay sagisag ng pag-asa, bunga ng pagtutulungan, at pamana ng kaunlaran para sa susunod na mga henerasyon. Sa bawat pagdaloy nito sa mga sakahan, kasabay nitong dadaloy ang pagkakataon para sa ating mga magsasaka upang magkaroon ng mas maunlad at mas masaganang kabuhayan,” ani Guillen.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Rito Muring para kay Pangulong Marcos Jr., pangulo ng Mabini-Cayacay Irrigators Association, sa pagkakatayo ng proyekto na aniya’y malaking tulong sa mga magsasakang dati’y umaasa lamang sa tubig-ulan.

“Malaking pasasalamat namin kay BBM dahil sa project na ito. Kami ay nangangako na pangalagaan ng mabuti ito dahil ito ay isang mahalagang imprastraktura na maipapamana namin sa among mga anak,” ani Muring.

Kasabay ng inagurasyon ng patubig ang pagdiriwang ng ika-63 anibersaryo ng pagkakatatag ng NIA noong Hunyo 22, 1963. VC