IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit 8-M konsyumer, makikinabang sa P9.5-B refund ng MERALCO

583
Views

[post_view_count]

Manila Electric Company (MERALCO) building in Ortigas Center, Pasig City. (File photo of MERALCO)

Mahigit walong milyong konsyumer ng Manila Electric Company (MERALCO) ang inaasahang makikinabang sa P9.5-bilyong refund na ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC), ayon sa Malacañang.

Sa press briefing ngayong araw, Agosto 3, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang refund ay bahagi ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maibsan ang araw-araw na gastusin ng mga pamilyang Pilipino.

Sa 28-pahinang desisyong inilabas ng ERC noong Hulyo 31, inatasan ang MERALCO na isauli ang kabuuang P9,506,566,556, na may katumbas na average refund rate na P0.3448 kada kilowatt-hour (kWh) para sa lahat ng customer classes.

“MERALCO is directed to refund the total amount of Nine Billion Five Hundred Six Million Five Hundred Sixty-Six Thousand Five Hundred Fifty-Six Pesos (PhP9,506,566,556.00) or an equivalent average refund rate for all customer classes in the amount of PhP0.3448/kWh,” ayon sa ERC. 

Nagmula ang desisyon sa mga inihain ng MERALCO na aplikasyon para sa pag-apruba at kumpirmasyon ng true-up calculation ng Actual Weighted Average Tariff (AWAT) para sa Enero hanggang Hunyo 2025 at Hulyo hanggang Disyembre 2025.

Ang mga residential customer ng MERALCO ay inaasahang makatatanggap ng pinakamalaking refund rate na P0.5861 kada kWh.

Dahil dito, ang isang sambahayang may buwanang konsumo na 200 kWh ay maaaring makatanggap ng refund na mahigit P100.

Ayon kay ERC Chairperson at Chief Executive Officer Francis Saturnino Juan, sisimulan ang pagpapatupad ng refund sa susunod na billing cycle at kinakailangang malinaw itong nakasaad sa mga electricity bill ng mga konsyumer.

Sinabi naman ni Palace Press Officer Claire Castro na ang kautusan ay nagpapakita ng hangarin ng Pangulo na maibalik sa taumbayan ang kanilang pinaghirapang kita. 

“Malinaw ang hangarin ng Pangulo, ibalik sa taumbayan ang kanilang pinagpaguran. Kada piso na matitipid ay malaking tulong sa bawat pamilya,” ani Castro.  – VC