Sa isang joint operation, matagumpay na napauwi ng pamahalaan ng Pilipinas at China ang mahigit 80 Chinese citizens na bahagi ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa nitong Biyernes, Setyembre 6.
Ayon sa Chinese Embassy in Manila, patunay ito sa mas pinalakas na kooperasyon ng Pilipinas-China para matigil ang illegal offshore gambling sa bansa alinsunod sa ipinatupad na nationwide POGO ban ng pamahalaan.
Una nang inanunsyo ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pagpapa-deport sa mahigit 80 Chinese workers na naaresto mula sa POGO operations sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio, kalahati sa kanila ay dadalhin sa Shanghai habang ang iba ay mapupunta sa Xian.
Matatandaang idineklara mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ‘nationwide POGO ban’ sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Hulyo.
Bibigyan na lamang ang lahat ng POGO operators hanggang sa katapusan ng taon para ipasara at itigil ang kanilang operasyon. -VC