
Libu-libong Pilipino na naghahanap ng trabaho ang dumalo sa isinagawang nationwide job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Philippine Independence Day ngayong Hunyo 12.
Nasa 38 lokal na kumpanya at walong overseas recruitment agencies ang nakiisa sa job fair ng DOLE sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga industriyang may malaking pangangailangan ng manggagawa ang manufacturing, manpower services, administrative at clerical work, at information technology (IT).
Ayon kay DOLE PFO OIC-Director Julita Mendoza, layunin ng job fair na ilapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga Pilipino.
Isa sa mga matagumpay na aplikante si Carryl Milca Evangelista, na na-hire on the spot sa kanyang aplikasyon.
“Thankful po ako sa job fair na ito kasi na-hire po ako sa work na kailangan ko po since drop na ako sa college at kailangan ng work para masustentuhan ang sarili at makapag-ipon para makapag-aral ulit,” aniya.
Kasabay ng job fair, nagbigay din ng libreng serbisyo ang mga partner agencies gaya ng Social Security System (SSS), PhilHealth, at Pag-IBIG Fund, partikular para sa mga first-time job seeker.
Inilunsad naman ng DOLE Western Visayas ang programang Trabaho Agad Kalayaan Job Fair, kung saan umabot sa 5,107 job vacancies mula sa iba’t ibang lokal na employer ang inalok sa mga aplikante.
Ayon kay DOLE Western Visayas Regional Director Atty. Sixto Rodriguez Jr., nananatiling matatag ang ahensya sa paglikha ng mga oportunidad sa trabaho at sa paglalapit ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan.
Umaasa ang DOLE na magsisilbing tulay ang mga job fair upang mas maraming Pilipino, kabilang ang mga Ilonggo, ang magkaroon ng disenteng trabaho at mas maayos na kabuhayan.
Nakiisa rin ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Araw ng Kalayaan sa paglulunsad naman ng Mega Job Fair.
Mahigit 4,000 overseas job vacancies ang inialok mula sa 13 lisensyadong recruitment agencies na may mga oportunidad sa Estados Unidos, Canada, Guam, Australia, at New Zealand.
Layunin ng programa na mailapit sa mga Pilipino ang mga lehitimong trabaho sa ibang bansa habang tinitiyak ang ligtas at legal na deployment ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Iginiit naman ni DMW Assistant Secretary Jerome Alcantara ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan lamang sa mga lisensyado at lehitimong recruitment agencies upang maiwasan ang panloloko.
Aniya, dapat tiyakin ng mga aplikante na lehitimo ang job order, makipag-transaksyon lamang sa opisina ng recruitment agency o sa mga awtorisadong job fair, at humingi ng kaukulang resibo sa anumang bayarin.
Pinayuhan din niya ang mga aplikante na magbayad lamang ng placement fee kapag sigurado na ang trabaho at may napirmahang kontrata.
Kabilang sa mga sumulit ng job fair si Melanie De Leon mula sa Naic, Cavite, na umaasang makahanap ng oportunidad bilang caregiver matapos umanong makaranas ng scam habang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
“Inaasahan ko po na makakakuha po ako ng employer dito as a caregiver, o kahit anong fit sa aking credentials,” aniya.
Samantala, si Gelyn Lontoc, isang dating OFW sa Qatar, ay muling naghahanap ng trabaho sa abroad matapos pumanaw ang kanyang asawa.
Ayon sa kanya, nais niyang makahanap ng oportunidad upang masuportahan ang kanyang pamilya. – VC











