Umabot na sa kabuuang 903,265.58 litro ng langis ang nakolekta ng contracted salvor na Harbor Star mula sa lumubog na MTKR Terra Nova sa Limay, Bataan mula Agosto 19-29.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), naitala ng Harbor Star ang 12,437 litro kada oras na ‘rate of oily waste flow’ sa isinagawang siphoning operation kahapon, Agosto 29, kung saan nakuha ang 97,011.58 litro ng langis.
Binantayan ng BRP Sandingan (MRRV-4407) ang nasabing operasyon at kalauna’y nagsagawa ng aerial surveillance para makita kung may presensya ng oil sheen sa karagatan.
Kasabay nito, naglunsad din ng underwater survey ang Coast Guard divers upang matiyak naman na walang tagas ang pump at hose na ginamit sa pagsipsip ng langis sa barko.
Matatandaang lumubog sa karagatang sakop ng Limay, Bataan ang MTKR Terra Nova noong Hulyo 25 karga ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel.
Isang crew member ang napaulat na nasawi habang 16 naman ang matagumpay na nailigtas.
Maliban sa Terra Nova, puspusan din ang ginagawang re-sealing at patching ng contracted salvor na FES Challenger sa mga butas ng lumubog na MTKR Jason Bradley sa Bataan noong Hulyo 23.
Sakay ng naturang cargo vessel ang 5.5 toneladang diesel nang lumubog ito dahil sa masamang lagay ng panahon.
Samantala, nahila na ng Diving Industry Shipyard patungong Barangay Alas-asin ang sumadsad na MV Mirola 1 sa Mariveles, Bataan noong Hulyo 31. -VC