
Mahigit 978,000 low-income members ng Social Security System (SSS) ang nakatanggap na ng tig-P2,000 na cash assistance sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) assistance program, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Saklaw ng Group 3 ang mga empleyadong low-income earners na may monthly salary credit na mababa sa P20,000, nakapag-remit ng hindi bababa sa isang kontribusyon sa SSS noong 2025 o 2026, at may aktibong SSS disbursement account.
Sa ilalim ng Group 3, tatanggap ang bawat benepisyaryo ng P2,000 kada buwan sa loob ng anim na magkakasunod na buwan hanggang Disyembre.
Bahagi ang programa ng malawakang implementasyon ng subsidy program ng pamahalaan para sa mga low-income households.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, nasa mahigit 4.4. milyong kabahayan na ang nakatanggap ng P2,000 assistance para sa buwan ng Hulyo.
“As of this morning, nasa mahigit 4.4 million na mga households na po ang nakatanggap ng P2,000 UPLIFT assistance for the month of July,” ani Dumlao.
Samantala, sa ilalim ng Group 1, umabot na sa higit 2.8-M kabahayan na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nakatanggap ng one-time na P2,000 ayuda sa pamamagitan ng kanilang cash cards noong nakaraang linggo.
Nadagdagan pa ito ng mahigit 214,000 benepisyaryo mula sa Walang Gutom Program.
Sa ilalim naman ng Group 2, mahigit 417,000 kabahayan na ang nakatanggap ng unang bugso ng ayuda mula sa target na 2.5 milyong poor at near-poor na pamilya na natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System ng Philippine Statistics Authority.
Ayon kay Dumlao, nagpapatuloy ang pamamahagi ng tulong-pinansyal sa buong bansa upang matiyak na matatanggap ng lahat ng mga natukoy na benepisyaryo ang suporta na layong mabawasan ang epekto ng sigalot ng Middle East at ng umiiral na energy emergency.
Tulad ng Group 3, makatatanggap din ng P2,000 kada buwan sa loob ng anim na buwan ang mga benepisyaryo ng Group 2, kung saan ang kanilang mga susunod na payout ay direktang ipapasok sa kanilang itinalagang bank account, cash card, at electronic wallet na nakarehistro sa isinagawang payout ng lokal na pamahalaan.
Nilinaw naman ni Dumlao na hindi na kinakailangang mag-apply o pumunta sa alinmang tanggapan ang mga benepisyaryo dahil tukoy na ng pamahalaan ang mga karapat-dapat makatanggap ng UPLIFT assistance.
“Dahil itong UPLIFT assistance ay targeted, ibig sabihin tukoy na po natin kung sino yung makakatanggap ng tulong to cushion the impact of the ongoing energy emergency, hindi na po kinakailangan na mag-apply o mag tungo sa isang opisina sapagkat kayo po ay makakatanggap,” ani Dumlao. – VC











