IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit P1.16-M relief assistance, ipinamahagi ng DSWD sa mga pamilyang apektado ng Bagyong Luis

569
Views

[post_view_count]

Volunteers at the Luzon Disaster Resource Center in Pasay City. (Photo courtesy of DSWD)

Umabot na sa mahigit P1.163 milyon ang halaga ng naipahamaging tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng Tropical Depression (TD) Luis sa Bicol Region at Zamboanga Peninsula.

Sa Tobaco Port sa Albay, agad na kumilos ang Quick Response Team (QRT) ng DSWD Field Office 5 nitong Linggo, Agosto 2, upang mamahagi ng mga ready-to-eat food (RTEF) boxes sa mga na-stranded na pasahero na hindi nakabiyahe dahil sa suspensyon ng sea travel bunsod ng masamang panahon.

Namahagi rin ang DSWD Field Office 9 ng food at non-food items sa mga pamilyang nananatili sa mga evacuation center sa Brgy. Curuan, Zamboanga City matapos maapektuhan ng TD Luis noong Huwebes, Hulyo 30.

Ayon kay DSWD spokesperson and Asst. Secretary Irene Dumlao, patuloy na binabantayan ng kagawaran ang epekto ng bagyo at ng habagat upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga maaapektuhang komunidad.

“Patuloy pong naka-monitor ang DSWD sa sitwasyon dulot ng TD Luis at ng habagat. Alinsunod po sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking walang maiiwang nangangailangan ng tulong sa panahon ng kalamidad, nakahanda po ang ating mga Field Offices na agad maghatid ng kinakailangang tulong sa mga maaapektuhang pamilya,” ani Dumlao.

Batay sa pinakahuling ulat ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) nitong Agosto 2, umabot na sa 374 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa Tabaco City, Albay. 

Sa Zamboanga City naman, 3,682 indibidwal o 1,212 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center.

Tiniyak naman ng DSWD na sapat ang nakaimbak nitong relief resources kabilang ang 4.933-M bilang ng naka-preposition na family food packs (FFPs) sa buong bansa at P1.69 bilyong halaga ng Quick Response Fund (QRF) na nakalaan sa Central Office ng ahensya. 

Batay sa weather advisory ng PAGASA kaninang umaga, inaasahan ang malalakas na pag-ulan sa susunod na mga araw sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region, at National Capital Region dahil sa pinagsamang epekto ng TD Luis at habagat.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng relief assistance sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan.  – VC