
Inaasahang ibibida ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtaas ng alokasyon para sa local government units (LGUs) mula sa national tax collections sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa darating na Hulyo 27.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, papalo sa P1.19 trilyon ang National Tax Allotment (NTA) para sa mga lokal na pamahalaan sa taong 2027, mas mataas ng P129.32 bilyon ngayong 2026.
Ang hakbang ay sumasalamin sa mas mataas na koleksyon sa pambansang buwis at sa pangako ng pamahalaan na mapatatag ang lokal na pamamahala.
“As a former local executive official himself, the President sees and honors these as people’s entitlements. These are guaranteed plowbacks that will go from big cities to the remotest barangays (villages),” paliwanag ni Recto.
Dagdag ni Recto, maituturing ang halaga ng alokasyon bilang “biggest ticket items” para sa panukalang pambansang pondo sa susunod na Fiscal Year na kasalukuyang isinasapinal na ng Department of Budget and Management (DBM).
Nakabatay ang P1.19-T NTA para sa susunod na taon sa internal revenue collections noong 2024, alinsunod sa batas na nagtatakda sa pagbase ng alokasyon sa mga koleksyon ng buwis mula tatlong taon bago ang nakatakdang pamamahagi.
Batay sa NTA allocation formula, aabot sa 83 mga probinsya at 149 lungsod ang makatatanggap ng P303.56-B, 1,491 bayan ang makatatanggap ng P448.84-B, at 41,912 na mga nayon o barangay naman ang makakakuha ng P263.97-B.
“That indexation is set in stone, beyond alteration. As such, they are in the nature of automatic appropriations,” ayon sa Executive Secretary.
Mula sa alokasyon, P990.68 milyon ang magmumula sa koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR), P329.09-B ang manggagaling sa Bureau of Customs (BOC), habang ang P63.6-M naman ay kukuhanin mula sa iba pang koleksyon na sertipikado ng Bureau of the Treasury.
Ang pagtatakda ng alokasyon ay nakadepende sa populasyon at land area ng nasabing lugar.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., itinaas ang Local Government Support Fund (LGSF) sa P57.87-B ngayong 2026, ang pinakamataas na halaga ng LGSF sa kasaysayan, para mapalakas pa ang pagtutulungan sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at LGU sa pagpapatupad ng mga proyekto. – VC











