Umabot na sa higit P14.7-milyong halaga ng tulong ang naipamahagi sa biktima ng pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island, batay sa pinakahuling tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Sa kasalukuyan po, nasa mahigit P14.7 milyon worth of humanitarian assistance ang naipahatid na ng DSWD at ng mga partners po natin.” saad ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao sa isang news forum ngayong Sabado, Disyembre 14.
Ayon kay Dumlao, nasa 10,000 pamilya o katumbas ng higit 42,000 indibidwal mula sa 25 barangay sa Western at Central Visayas ang naapektuhan ng pagsabog.
Kasalukuyang tumutuloy ang higit 4,600 pamilya o 15,000 katao sa 28 evacuation centers sa lugar habang pansamantalang nakikitira ang nasa 1,000 pamilya sa kani-kanilang mga kamag-anak.
Tiniyak ng DSWD ang kanilang mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng mga biktima.
“Tinitiyak din po ng DSWD ang mga pangangailangan para sa camp coordination at camp management. Kailangan natin ang proteksyon ng mga internally displaced persons. Dapat may safe spaces para sa kababaihan at mga bata sa lahat ng evacuation centers,” ani ni Dumlao.
Sa ngayon, patuloy na tinututukan ng ahensya ang pagbibigay ng malinis na tubig at sanitation facilities lalo na sa mga matatanda at mga taong may espesyal na pangangailangan.
May handog din itong psychological first aid para naman sa mga indibidwal na nakararanas ng trauma at anxiety bunsod ng pagsabog ng Kanlaon. – IP