Personal na ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Miyerkules, Agosto 28, ang P363,050,000 na financial assistance at standby funds para sa higit 33,000 mangingisda na naapektuhan ang kabuhayan sa Cavite dahil sa nangyaring oil spill sa Bataan.
Halagang P161,510,000 ang tulong pinansyal mula sa Office of the President na tinanggap ni Cavite Governor Jonvic Remulla na ipamamahagi naman sa bawat apektadong mangingisda at kanilang mga pamilya sa lalawigan na makakakuha ng tig-P5,000.
“Sa araw na ito, [ipinaaabot] ko ang aking taos-pusong pasasalamat at suporta sa mga mangingisda na naririto, kasama ang inyong mga pamilya na kaagapay ninyo sa araw-araw,” mensahe ng Pangulo sa mga mangingisda.
Bukod sa tulong ng Office of the President, nagpaabot din ng P18-milyong halaga ng post-harvest equipment, training, at financial assistance ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ay nagkaloob ng P69.47-milyong halaga ng iba’t ibang assistance kabilang na ang P3-milyong standby funds at P102.78-milyong halaga ng non-food items.
Gayundin ang Department of Labor and Employment (DOLE) na naghandog ng P8.29-milyong financial assistance para sa mga residenteng naapektuhan mula sa Tanza at Naic, Cavite.
Samantala, nagsagawa naman ng konsultasyon gaya ng rapid health risk assessments at water testing ang Department of Health (DOH) upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente mula sa mapanganib na epekto ng oil spill sa kalusugan.
“Asahan po ninyo na ang pamahalaan ay gumagawa ng mga hakbang upang [maibsan] ang pinsalang naidulot ng mga insidenteng kagaya nito. Hangad namin na ang Presidential Assistance na aming handog sa bawat apektadong mangingisda ay makakatulong sa inyong pagbangon at magbibigay ng panibagong pag-asa,” dagdag pa ni Pangulong Marcos Jr.
Matatandaang lumubog ang MTKR Terranova sa katubigan ng Limay, Bataan noong Hulyo 25 at ang MTKR Jason Bradley naman noong Hulyo 27 sa Mariveles, Bataan habang sumadsad naman ang MTKR Mirola 1 sa Mariveles noong Hulyo 31 na siyang nagdulot ng oil spill sa lalawigan. – AL