
Umabot na sa mahigit P55 milyon ang naipamahaging tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa kabuuang 15,044 transport workers sa buong bansa sa ilalim ng TUPAD-Tuloy Pasada Program, as of June 22.
Patuloy ang implementasyon ng programa sa kabila ng naiulat na rollback sa presyo ng langis upang matulungan ang mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na punan ang epekto ng mga umiiral na hamong pang-ekonomiya bunsod ng tensyon sa Middle East.
Sa ilalim ng pamumuno ni DOLE Secretary Francis Tolentino, pinalalawak pa ang saklaw ng programa upang mas maraming benepisyaryo ang mabigyan ng tulong.
Isa sa mga nakinabang sa TUPAD-Tuloy Pasada Program si Romeo O. Dela Cruz, isang beteranong Public Utility Jeepney (PUJ) driver na bumibyahe sa SM City Davao.
Dahil sa natanggap na ayuda, nakapagbigay siya ng libreng sakay sa mga komyuter at job seeker noong nakaraang Labor Day.
“Dako ang akong garbo nga nahimo kong kabahin niining Libreng Sakay. Gusto gyud nako nga makaserbisyo sa komunidad, ilabi na sa mga aplikante nga nangita og trabaho (I take great pride in being part of this Libreng Sakay. I really wanted to serve the community, especially the applicants looking for work),” ani Dela Cruz.
Kaugnay nito, pinalawak din kamakailan ang programa para sa mga manggagawa sa maritime transport sector sa Dinagat Islands.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga tauhan ng pampasaherong sasakyang-pandagat na bumibiyahe sa lalawigan.
Sinimulan noong Abril, ang TUPAD-Tuloy Pasada Program ay bahagi ng mga hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang magbigay ng pansamantalang trabaho at suportang pinansyal sa mga transport worker na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ang programa ay ipinatutupad sa pakikipagtulungan kasama ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). – VC











