IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit P9-B refund, naibalik ng GSIS sa 500K benepisyaryo ng Balik Ginhawa 2 sa loob ng 24 araw

118
Views

[post_view_count]

Government Service Insurance System (GSIS) Headquarters in Pasay City. (File photo of GSIS)

Umabot na sa mahigit P9.06 bilyon ang naibalik ng Government Service Insurance System (GSIS) sa mahigit 500,000 miyembro at pensyoner sa ilalim ng Balik Ginhawa 2 (Loan Moratorium Through Refund) Program sa loob lamang ng 24 araw mula nang palawakin ang implementasyon nito.

Alinsunod ang programa sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga Pilipino.

Sa datos ng ahensya, ang P9.06-B ay tumutukoy lamang sa Balik Ginhawa 2.

Kapag isinama ang naunang implementasyon ng Balik Ginhawa, lumampas na sa P18-B ang kabuuang halaga ng mga naibalik na loan intervention sa mga kwalipikadong miyembro at pensyoner ng GSIS.

Sa ilalim ng Balik Ginhawa Program, maaaring mabawi ng mga borrower ang dati nilang ibinayad na monthly loan amortization sa pamamagitan ng refund na direktang ipinapasok sa kanilang GSIS eCard.

Sa halip na muling bayaran ang na-refund na halaga, pahahabain na lamang ang termino ng kanilang loan nang katumbas ng bilang ng mga ibinalik na buwanang hulog.

Upang matiyak na matatanggap ng mga borrower ang kanilang buong benepisyo, naglunsad ang GSIS ng bagong feature sa GSIS Touch mobile application.

Sa pamamagitan nito, maaaring alamin ng mga miyembro at pensyoner na nakatanggap ng mababang refund kung mayroon pa silang natitirang refundable amount at agad na makapagsumite ng aplikasyon upang makuha ito.

Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, layunin ng bagong feature na matiyak na matatanggap ng lahat ng kwalipikadong miyembro at pensyoner ang buong benepisyong nararapat sa kanila. 

“Through this feature, we are making sure that those who are still entitled to a refundable amount can easily verify their eligibility and receive the remaining benefit due them,” ani Veloso.

Pinalawak din ang sakop ng Balik Ginhawa 2 sa tatlo hanggang anim na buwan ng loan amortization.

Kung ang unang implementasyon ay sumaklaw lamang sa mga bayad mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026, kasama na ngayon sa refund ang mga bayad mula Marso hanggang Mayo 2026, alinsunod sa mga itinakdang tuntunin ng programa.

Samantala, pinaalalahanan naman ng GSIS ang mga miyembro at pensyoner na boluntaryo ang paglahok sa Balik Ginhawa Program, at ang refund ay direktang ipinapasok sa kanilang nakatalagang GSIS bank account, hindi sa payroll account.

Ayon sa GSIS, bahagi ang bagong sistema ng kanilang patuloy na pagsisikap na mapabilis ang serbisyo at makapagbigay ng makabuluhang financial relief sa mga kawani at pensyoner ng gobyerno.

Para sa karagdagang impormasyon sa programa, maaaring bumisita sa opisyal na website ng GSIS, tumawag sa GSIS Contact Center sa 8847-4747, o gamitin ang GSIS Touch mobile application. – VC