
Naitala sa 1.8% ang inflation rate ng Pilipinas para sa buwan ng Marso 2025 batay sa pinakabagong ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong Biyernes, Abril 4 na ayon sa National Economic Development Authority (NEDA) ay maituturing na ‘historic low’ mula noong pandemya.
Mas mabagal ito sa 2.1% inflation rate na naitala noong Pebrero 2025 at 3.7% noon namang Marso 2024.
Ayon sa PSA, pangunahing nag-ambag sa pagbagal ng antas ng inflation ang Food and Non-Alcoholic Beverages na nakapagtala ng 2.2% na sinundan ng Transport (1.1%) at Restaurants and Accommodation Services (2.3%).
Pasok ang naitalang inflation rate para sa buwan ng Marso sa 1.7% hanggang 2.5% na inflation forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Huwebes, Abril 3.
Sa kabila nito ay tiniyak ng pamahalaan na nananatili itong nakatutok sa pangangailangan ng mga Pilipino, partikular na sa presyo ng mga bilihin.
“While the inflation rate continues to ease and remain within the target range, we commit to monitoring risks and shocks, particularly on anticipated electricity rate hikes and higher prices of fish and meat, and addressing them through timely and targeted interventions,” paliwanag ni NEDA Secretary Arsenio M. Balisacan.
Sa kabuuan, naitala sa 2.2% ang national average inflation mula Enero hanggang Marso 2025. – AL