
Tuluyan nang ibinasura ng House Committee on Justice ngayong araw, Pebrero 4, ang dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos itong ideklarang insufficient in substance.
Ayon sa komite, kapwa kulang sa sapat na batayan ang mga alegasyong ibinabato laban sa Pangulo upang umusad ang proseso ng impeachment.
Mas tumagal ang deliberasyon sa ikalawang impeachment complaint na inihain ng Makabayan bloc, kung saan iginiit ng grupo ang umano’y betrayal of public trust ng Pangulo kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Gayunman, mariing tinutulan ito ng mayorya ng komite, na nagsabing hearsay o spekulasyon lamang ang nilalaman ng reklamong nag-uugnay sa Pangulo.
Ayon kay Vice Chairperson Ysabelle Zamora, walang ipinakitang lantad na aksyon ang Pangulo na magpapatunay na siya ay nag-utos o direktang sangkot sa mga alegasyon.
Dagdag pa niya, hindi dapat bigyang timbang ang mga paratang na nakabatay lamang sa hindi beripikadong video at tinaguriang fake news.
Sinang-ayunan ito ni Vice Committee Chairperson Pido Garbin, na mariing kinuwestiyon ang paratang ng korapsyon sa Pangulo kaugnay ng paglaki ng unprogrammed appropriations (UA).
Aniya, bigo ang reklamo na patunayan ang corrupt purpose, o direktang partisipasyon ng Pangulo.
Inaasahang ihaharap pa ng House Justice Committee ang pormal na presentasyon ng kanilang desisyon bago ito tuluyang isumite sa plenaryo ng Kamara.
Kapag tuluyang naibasura, magiging epektibo ang one-year bar rule, na nagbabawal sa paghahain ng panibagong impeachment complaint laban sa Pangulo sa loob ng isang taon. (Ulat mula kay Earl Tobias) – VC











