
Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa architectural firm na Palafox Associates para talakayin ang isang komprehensibong development master plan para sa preserbasyon ng Ifugao Rice Terraces at kaunlaran ng mga karatig na komunidad.
Sa ilalim ng panukalang Comprehensive Urban, Environmental, and Infrastructure Master Plan, pagtutuunan ang pangangalaga ng kulturang Ifugao kasabay ang pagpapaunlad ng turismo bilang bahagi ng isang mas malawak na plano para sa magandang pag-unlad ng lugar.
Kabilang dito ang pagpapanatili ng rice terraces at tradisyunal na kaalaman at pagsasaka, pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka at katutubong komunidad, at pagsusulong ng community-led tourism upang mas mapakinabangan ng mga lokal ang turismo.
Ang master plan ay inaasahang lilikha ng maraming oportunidad at sustainable na kabuhayan para sa mga komunidad na nagsisilbing mga katiwala nito.
Kabilang sa mga pangunahing suliraning kinahaharap ng Ifugao Rice Terraces ang patuloy na pagkasira ng ecosystem, paglisan ng mga residente mula sa kanilang mga komunidad, at mababang kita ng mga magsasaka na nangangasiwa sa rice terraces.
Ang Banaue Rice Terraces ay isang 2,000-year-old rice terrace system na itinayo ng mga katutubong Ifugao at itinuturing na isa sa pinakamahalagang cultural landscape ng bansa.
Idineklara itong National Cultural Treasure sa ilalim ng Presidential Decree No. 260 at pinoprotektahan sa ilalim ng Republic Act No. 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009.
Kinilala rin ng UNESCO ang Ifugao Rice Terraces bilang World Heritage Site noong Disyembre 1995, at noong 2011 ay kinilala naman bilang Globally Important Agricultural Heritage System.
Noong 2001, isinama ang rice terraces sa listahan ng endangered World Heritage Sites dahil sa pag-abandona at erosion, at naalis noong 2012 kasunod ng mga isinagawang hakbang ng pamahalaan at mga komunidad para sa restoration at conservation nito.
Samantala, muling napinsala ang ilang bahagi ng rice terraces noong Nobyembre 2025 matapos ang mga mudslide at rockslide na dulot ng Super Typhoon Uwan sa Northern Luzon. – VC











