Isang rally ang isasagawa ng Iglesia ni Cristo (INC) bilang suporta sa pagtutol ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
“Ang Iglesia ni Cristo ay para sa kapayapaan. Ayaw po natin sa anumang uri ng kaguluhan na manggagaling sa kaninumang panig,” saad ng program host ng INC-run Net25 na si Gen Subardiaga.
Nauna nang inihayag ni Pangulong Marcos Jr. na hindi nito susuportahan ang mga hakbangin para sa impeachment ni VP Sara dahil hindi naman ito makatutulong sa mga Pilipino.
Nilinaw rin ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin na walang kinalaman ang Office of the President sa mga impeachment complaint na inihain laban kay Duterte.
Matatandaang dalawang magkahiwalay na impeachment complaint ang inihain ng ilang mga grupo sa House of Representatives laban kay VP Sara ngayong linggo.
Inihain sa Kamara ang unang impeachment complaint laban kay VPSD noong Lunes, Disyembre 2, dahil sa umano’y paglabag nito sa Konstitusyon, pagkakaugnay sa graft at corruption, bribery, ‘betrayal of public trust’ at iba pang mga krimen na maaari niyang ikatalsik sa pwesto.
Nitong Miyerkules, Disyembre 4 naman nang ihain ang ikalawang complaint mula sa Makabayan bloc dahil sa alegasyong ‘betrayal of public trust’. – VC