Binawi ng Quad Committee ng House of Representatives ang ikalawang contempt order na ipinataw sa incorporator ng Whirlwind Corp. na si Cassandra Li Ong nitong Miyerkules, Agosto 28, matapos biglang maging ‘cooperative’ sa kalagitnaan ng pagdinig hanggang matapos ito.
Sa pagdinig na ito ay umamin si Ong na personal niyang kakilala ang pamilya ni dismissed mayor Alice Guo at kasintahan niya si Wesley, kapatid ng dating alkalde.
Mayroon din umano siyang bank accounts na ginagamit para sa mga transaksyon ng Lucky South 99 na isang illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) firm sa Porac, Pampanga.
Kaugnay nito ay lumagda rin si Ong sa isang bank waiver na magpapahintulot sa komite na siyasatin ang kanyang mga naging bank transactions.
Samantala, hindi na rin dadalhin si Ong sa Women’s Correctional Center sa Mandaluyong City kung saan dapat siya ide-detain para sa kanyang ikalawang contempt order dahil sa paulit-ulit nitong pagtanggi na tumestigo sa pagdinig.
Nilinaw naman ni overall committee chairperson at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na tanging ang ikalawang contempt order lamang ang binawi nila, habang ang naunang contempt order naman laban kay Ong ay nakapataw pa rin sa kanya.
Dahil dito, mananatili si Ong na naka-detain sa House of Representatives.
Matatandaang nahuli si Ong ng awtoridad ng Indonesia habang papalabas ng naturang bansa noong Agosto 22 kasama ang isa pang kapatid ni Alice na si Sheila Guo.
Nahaharap sa kasong obstruction of justice at violation ng Philippine Immigration Act si Ong.