Pormal nang inihain ng ilang religious group at mga abogado ang ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Office of the Secretary General sa House of Representatives ngayong Huwebes, Disyembre 19.
Binubuo ito ng mga pari ng simbahang Katolika gayundin ng mga abogado mula sa Union of People’s Lawyer of Mindanao.
Pinangunahan ni Atty. Amando Virgil Ligutan ang pagsusumite ng nasabing impeachment complaint kay House Secretary General Reginald Velasco kaninang 11:45 ng umaga.
Sa ipinakitang kopya ni Ligutan, ang ginamit na grounds para sa impeachment ni Duterte ay ang paglabag umano nito sa konstitusyon at pagkakasangkot sa bribery, graft and corruption, at betrayal of public trust.
Nitong Disyembre 2 nang ihain ng civil society organizations, sa pangunguna ni Akbayan party-list Rep. Percival Cendaña, ang unang complaint laban kay Duterte.
Sinundan agad ito ng ikalawang impeachment complaint nitong Disyembre 4 na isinumite naman ng 70 kinatawan ng mga ‘progressive group’ sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan.
Matatandaang inimbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability si VP Sara dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd). – AL