Hindi pinaboran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang probisyon sa Senate Bill 1979 o ang panukalang naglalayon na palawakin ang pagpapatupad ng sex education sa Pilipinas.
Tinawag niya ang ilang bahagi ng panukalang batas na “woke absurdities” dahil hindi ito angkop na ituro sa mga kabataan.
“I was appalled by some elements of that. All this “woke” that they are trying to bring into our system … That every child has the right to try different sexualities. This is ridiculous. It is abhorrent. It is a travesty of what sexual and sex education should be to the children,” paliwanag ni Pangulong Marcos Jr.
Aniya, bagaman mahalaga ang sex education sa pagtuturo ng anatomy, epekto ng teenage pregnancy, at banta ng HIV sa kalusugan, hindi katanggap-tanggap ang ilan sa mga ideya gaya ng pag-endorso umano sa mga bata na subukan ang iba’t ibang sekswalidad.
Tiniyak ng Pangulo na agad niya itong ive-veto sakaling makarating sa kanya ang bersyon na mayroong hindi angkop na probisyon.
Ipinaalala ni Pangulong Marcos Jr. na siya rin ay isang ama at lolo kaya malalim ang kanyang malasakit sa usapin at malaki ang paniniwala niya na kung naaangkop ang ituturo sa sex education, malaki ang maidudulot nito sa kaalaman, kalusugan at responsibilidad ng mga kabataan. – AL