Makikipagtulungan ang Department of Migrant Workers (DMW), sa pamamagitan ng Philippine Embassy at Migrant Workers Office sa Kuwait, sa Kuwaiti authorities kaugnay sa kaso ng Filipino domestic helper na sangkot sa pagkamatay ng menor de edad na anak ng kanyang amo sa nasabing bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na lubos na nakababahala ang nasabing insidente kung saan nagpaabot na ang ahensya ng taos-pusong pakikiramay para sa naulilang pamilya ng biktima.
“We at the Department of Migrant Workers (DMW) are deeply concerned about the involvement of a Filipino domestic worker in the death of an employer’s child in Kuwait. We convey our sincere condolences to the child’s family and the Kuwaiti government,” saad ng DMW.
Ayon sa ulat, inilagay umano ng Pinoy domestic helper ang bata sa loob ng isang washing machine sa mismong tahanan ng kanyang employer.
Agad namang iniligtas ng mga magulang ang bata matapos marinig ang sigaw nito at isinugod sa ospital kung saan siya binawian ng buhay.
Nilinaw ng ahensya na isang “isolated case” ang nasabing insidente at hindi kailanman magiging representasyon ng Filipino community sa Kuwait.
“We humbly provide the assurance that this tragic incident is isolated and does not represent the values of Filipinos and overseas Filipino workers who are known for their caring nature, professionalism, dedication and hard work,” saad ng ahensya.
Samantala, tiniyak naman ng DMW na magbibigay ito ng kinakailangang tulong para sa nasabing OFW habang gumugulong ang imbestigasyon.