Nilinaw ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. na walang tax na kailangang bayaran o ikaltas sa lahat ng premyo, regalo, donasyon at iba pang incentives na natanggap ni two-time Olympic Gold Medalist Carlos Yulo mula sa kanyang pagkapanalo sa 2024 Paris Olympics.
Ito ang nakasaad sa inamyendahan na National Internal Revenue Code (NIRC) Section 32(B)(7)(d) at Section 32(B)(3) kung saan ang iginawad na premyo at parangal sa mga atletang nanalo sa local at international sports competition ay hindi kasama sa income tax gayundin sa Section 98 na donor’s tax.
“The National Internal Revenue Code exempts Carlos Yulo from paying taxes for the prizes, awards, rewards, gifts, or donations he received. The BIR congratulates our two-time Olympic Gold Medalist for his performance in the 2024 Paris Olympics. You are an inspiration to the men and women of the BIR,” pahayag ni Lumagui.
Dahil dito, malinaw na hindi na kailangan ideklara ni Yulo bilang bahagi ng kanyang gross income ang mga nakuhang incentive mula sa pribado at pampublikong institusyon.
Matatandaang iwinagayway ni Yulo ang bandera ng Pilipinas sa nakaraang Paris Olympics 2024 matapos nitong dominahin ang Men’s Floor Exercises Final at Men’s Vault Final kung saan kapwa gintong medalya ang kanyang nasungkit.
Dahil dito, humigit-kumulang P100 million ang nakuhang cash incentives ng two-time gold medalist mula sa pamahalaan at iba pang mga nagpaabot sa kanya ng pagbati, bukod pa sa mga regalo na kanyang natanggap tulad ng bahay at lupa, sasakyan, at mga negosyo. -AL